Saturday, October 16, 2010

Comelec, 95% ready na sa halalan

Sa kabila ng ilang mga kakulangan sa kagamitan para sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, ipinagmalaki ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang kahandaan sa nasabing gawain.

Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, nasa 95 porsyento na silang handa, at patuloy pa rin naman nilang pinaplantsa ang ibang problema upang maging maayos ang takbo ng halalang pambarangay.

Pero ani Melo, hindi lamang ang personnel preparation ang kailangan sa ganitong aktibidad kaya obligado pa rin nilang tutukan ang mga maliliit na detalye ng paghahanda.

Una nang napa-ulat ang kakulangan ng ilang ballot boxes at list of voters, ngunit iginiit ng Comelec head na ginagawan na nila ito ng aksyon at tiyak na sa araw ng halalan ay hindi na ito magiging suliranin.

Sinasabing malaking adjustment ang ginawa ng poll body at ng mga magsisilbing Board of Election Tellers (BET) dahil sa automated election noong nakaraang halalan, subalit ngayon ay balik na naman sa mano-manong pagboto.