Wednesday, March 11, 2009

Francis Magalona, nailibing na



Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang master rapper na si Francis Magalona sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Sa libing ni Kiko, nanatiling matatag ang asawa nitong si Pia Arroyo-Magalona habang nagpapasalamat sa mga taong sumuporta sa kanila at nakiramay sa pagpanaw ng master rapper.

"Thank you very much for your support, I appreciate it," ani Pia.

Maliban kay Pia at kanyang walong anak, dumalo rin sa libing ang mga malalapit na kaibigan ni Kiko at kanyang mga fans.

Ang dalawang pinakabatang anak ni Kiko na sina Arkin at Clara ay nagbasa pa ng tula para sa kanilang ama.

Inihalintulad ng dalawa ang kanilang papa sa paru-paru at saka nagpalipad ng mga balloons.

Nagkaroon rin ng military rites at salute para kay Kiko na isang army reservist.

Tinanggap ni Pia ang watawat ng Pilipinas mula sa Philippine Army bilang pagkilala sa pagiging makabayan ni Kiko at pagiging army reservist kung saan ang ranggo nito ay sergeant.

Ilan sa mga kilalang personalidad na dumalo sa libing ay sina Joey de Leon, Vic Sotto, Pia Guanio, Lougee Basabas, Toni Rose Gayda, Anjo Yllana, Wally Bayolawere, Michael V at Ogie Alcasid.

Bago ang libing, isang misa ang isinagawa sa Christ the King Memorial Chapel sa Green Meadows sa Quezon City.