Napakalaking surpresa para sa isang Bicolana beauty ang pagkaka-panalo bilang Bb. Pilipinas-Universe matapos na hindi man lang siya natawag sa ibang awards.
Maluha-luha ang 23-anyos na si Melody Gersbach ng tanggapin ang kaniyang korona mula kay 2008 Bb. Pilipinas-Universe na si Jennifer Barrientos.
Si Gersbach ay ipinanganak sa Germany ngunit lumaki sa lalawigan ng Albay, dahil ang kaniyang ina ay isang Bicolana na nagpapatakbo ng isang restaurant sa naturang probinsiya.
Napanalunan naman ng 22-anyos na si Pamela Bianca Manalo ang korona bilang 2009 Bb. Pilipinas-International.
Si Manalo ay nabatid na isang tubong Maynila at graduate ng Assumption College at kasalukuyang nagtatrabaho bilang flight attendant.
Itinanghal naman si Marie-Ann Umali bilang 2009 Bb. Pilipinas-World.
Bukod dito, nakuha rin ni Umali ang best in long gown at miss photogenic plum.
Nabatid na si Umali ay lumaki sa Batangas City at nagtapos ng kursong Tourism sa College of Saint Benilde.