Monday, March 16, 2009

ASG leader Parad, napatay sa engkwentro?

Sinasabing napatay umano ang kilabot na lider ng Abu Sayyaf na si Albader Parad sa isang engkwentro kaninang umaga.

Si Parad ang sinasabing lider ng grupong may hawak sa tatlong miembro ng International Committee of the Red Cross.

Nauna rito, kinumpirma ni Task Force Comet Commander Major General Juancho Sabban na sugatan sa nangyaring engkwentro sa Sulu si Parad.

Ang nasabing lider ang hinihinalang may hawak sa tatlong miembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ay umano'y tinamaan ng sniper sa bayan ng Indanan sa lalawigan ng Sulu.

Sa isa namang panayam, una ng sinabi ni Navy spokesman Lt. Colonel Edgar Arevalo na nagtamo ng sugat ang bandido makaraang tangkain nitong pasukin ang lugar na binabantayan ng tropa ng pamahalaan.

Magugunitang si Parad ay may patong sa ulo na P100 milyon matapos mapabilang sa international terror group ang bandidong Abu Sayyaf.

Habang sinusulat ang balitang ito, nagpapatuloy pa ang sagupaan sa nasabing lugar.

Bagama't ayaw pang kumpirmahin ng AFP, sinabi naman sa Bombo Radyo ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Ernesto Torres na nininiwala silang hihina ng husto ang Abu Sayyaf kung totoo ngang nasawi na si Parad.

Maging si Sulu Gov. Abdul Sakur Tan ay umamin sa Bombo Radyo na nagkaroon nga ng engkwentro sa bahagi ng Indanan ngunit ibini-berepika pa nila ang ulat ng pagkamatay ng ASG leader.

"Bina-validate pa natin ang impormasyon na yan, ayaw nating maglabas ng statement hangga't hindi tayo nakakasigurado. Although totoo na ang grupo ni Albader ay nakasagupa ng ating Philippine Marines kanina," ani Gov. Tan.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay PNRC chairman at Sen. Richard Gordon, may impormasyong nakarating sa kanya na napatay si Parad.

"Ang tingin ko hindi engkwentro sapagkat ang nakita ko mukhang inasinta ng riple. Riple ang bumanat, yan ang nakita ko. Ang pinalalabas, patakas sila doon sa cordon," pahayag naman ni Gordon.

Kaugnay nito, nanawagan ng panalangin ang senador para sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan.

Samantala, eksaktong nasa dalawang buwan naman ngayon simula ng dukutin ng mga bandido ang tatlong miembro ng ICRC na kinabibilangan nina Eugenio Vagni (Italian), Swiss national Andreas Notter at ang Pinay na si Mary Jean Lacaba.