Tuesday, March 17, 2009

Bagong asteroid, natuklasan ng NASA

Isa na namang bagong asteroid ang natuklasan ngayon ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Ayon sa NASA, wala pa itong rehistradong pangalan kaya tinawag muna nila bilag asteroid 2009 FH.

Namataan umano ito sa layong 85,000 kilometro mula sa pinak mataas na bahagi ng mundo.
Katumbas umano ito ng dalawang beses na layo ng pinaka malapit na geosynchronous communications satellite.

Sa lrawang nakuha ng isang US amateur astronomer sa North America, sinasabing may sukat na 20 metro ang naturang space rock.

Sa ngayon ay tinatahak na umano nito ang direksyon ng constellation Gemini.

Monday, March 16, 2009

ASG leader Parad, napatay sa engkwentro?

Sinasabing napatay umano ang kilabot na lider ng Abu Sayyaf na si Albader Parad sa isang engkwentro kaninang umaga.

Si Parad ang sinasabing lider ng grupong may hawak sa tatlong miembro ng International Committee of the Red Cross.

Nauna rito, kinumpirma ni Task Force Comet Commander Major General Juancho Sabban na sugatan sa nangyaring engkwentro sa Sulu si Parad.

Ang nasabing lider ang hinihinalang may hawak sa tatlong miembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ay umano'y tinamaan ng sniper sa bayan ng Indanan sa lalawigan ng Sulu.

Sa isa namang panayam, una ng sinabi ni Navy spokesman Lt. Colonel Edgar Arevalo na nagtamo ng sugat ang bandido makaraang tangkain nitong pasukin ang lugar na binabantayan ng tropa ng pamahalaan.

Magugunitang si Parad ay may patong sa ulo na P100 milyon matapos mapabilang sa international terror group ang bandidong Abu Sayyaf.

Habang sinusulat ang balitang ito, nagpapatuloy pa ang sagupaan sa nasabing lugar.

Bagama't ayaw pang kumpirmahin ng AFP, sinabi naman sa Bombo Radyo ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Ernesto Torres na nininiwala silang hihina ng husto ang Abu Sayyaf kung totoo ngang nasawi na si Parad.

Maging si Sulu Gov. Abdul Sakur Tan ay umamin sa Bombo Radyo na nagkaroon nga ng engkwentro sa bahagi ng Indanan ngunit ibini-berepika pa nila ang ulat ng pagkamatay ng ASG leader.

"Bina-validate pa natin ang impormasyon na yan, ayaw nating maglabas ng statement hangga't hindi tayo nakakasigurado. Although totoo na ang grupo ni Albader ay nakasagupa ng ating Philippine Marines kanina," ani Gov. Tan.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo kay PNRC chairman at Sen. Richard Gordon, may impormasyong nakarating sa kanya na napatay si Parad.

"Ang tingin ko hindi engkwentro sapagkat ang nakita ko mukhang inasinta ng riple. Riple ang bumanat, yan ang nakita ko. Ang pinalalabas, patakas sila doon sa cordon," pahayag naman ni Gordon.

Kaugnay nito, nanawagan ng panalangin ang senador para sa kaligtasan ng kanilang mga tauhan.

Samantala, eksaktong nasa dalawang buwan naman ngayon simula ng dukutin ng mga bandido ang tatlong miembro ng ICRC na kinabibilangan nina Eugenio Vagni (Italian), Swiss national Andreas Notter at ang Pinay na si Mary Jean Lacaba.

Wednesday, March 11, 2009

Francis Magalona, nailibing na



Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang master rapper na si Francis Magalona sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Sa libing ni Kiko, nanatiling matatag ang asawa nitong si Pia Arroyo-Magalona habang nagpapasalamat sa mga taong sumuporta sa kanila at nakiramay sa pagpanaw ng master rapper.

"Thank you very much for your support, I appreciate it," ani Pia.

Maliban kay Pia at kanyang walong anak, dumalo rin sa libing ang mga malalapit na kaibigan ni Kiko at kanyang mga fans.

Ang dalawang pinakabatang anak ni Kiko na sina Arkin at Clara ay nagbasa pa ng tula para sa kanilang ama.

Inihalintulad ng dalawa ang kanilang papa sa paru-paru at saka nagpalipad ng mga balloons.

Nagkaroon rin ng military rites at salute para kay Kiko na isang army reservist.

Tinanggap ni Pia ang watawat ng Pilipinas mula sa Philippine Army bilang pagkilala sa pagiging makabayan ni Kiko at pagiging army reservist kung saan ang ranggo nito ay sergeant.

Ilan sa mga kilalang personalidad na dumalo sa libing ay sina Joey de Leon, Vic Sotto, Pia Guanio, Lougee Basabas, Toni Rose Gayda, Anjo Yllana, Wally Bayolawere, Michael V at Ogie Alcasid.

Bago ang libing, isang misa ang isinagawa sa Christ the King Memorial Chapel sa Green Meadows sa Quezon City.

Saturday, March 7, 2009

Bicolana beauty, nanguna sa 2009 Bb. Pilipinas

Napakalaking surpresa para sa isang Bicolana beauty ang pagkaka-panalo bilang Bb. Pilipinas-Universe matapos na hindi man lang siya natawag sa ibang awards.

Maluha-luha ang 23-anyos na si Melody Gersbach ng tanggapin ang kaniyang korona mula kay 2008 Bb. Pilipinas-Universe na si Jennifer Barrientos.

Si Gersbach ay ipinanganak sa Germany ngunit lumaki sa lalawigan ng Albay, dahil ang kaniyang ina ay isang Bicolana na nagpapatakbo ng isang restaurant sa naturang probinsiya.

Napanalunan naman ng 22-anyos na si Pamela Bianca Manalo ang korona bilang 2009 Bb. Pilipinas-International.

Si Manalo ay nabatid na isang tubong Maynila at graduate ng Assumption College at kasalukuyang nagtatrabaho bilang flight attendant.

Itinanghal naman si Marie-Ann Umali bilang 2009 Bb. Pilipinas-World.
Bukod dito, nakuha rin ni Umali ang best in long gown at miss photogenic plum.

Nabatid na si Umali ay lumaki sa Batangas City at nagtapos ng kursong Tourism sa College of Saint Benilde.

Sunday, March 1, 2009

BAGONG ASTEROID, NATUKLASAN



Isa na namang panibagong asteroid ang natuklasan ngayon ng mga eksperto sa kalawakan.

Ayon sa National Aeronautics and Space Administration (NASA), tinawag nila itong 2009 DD45.

Wala pa kasi anila itong lehitimong pangalan dahil ngayong taon lamang ito nakita.

Ito umano ay may 35 metrong sukat sa diametro at halos kasing laki lamang ng Tunguska impactor noong 1908.

Sa ngayon ay namataan ito sa layong 73,000 kilometro habang bukas ng umaga naman ang closest approach nito sa ating daigdig.


Patungo ito sa direksyon ng constellation Virgo at inaasahang makikita sa piling mga lugar ng ating mundo.