Nanindigan ang Malacañang sa indefinite log ban na ipinag-utos ng Pangulong Noynoy Aquino.
Magugunitang pumalag ang Philippine Wood Producers Association, gayundin ang LGUs sa Agusan at balak nilang umapela sa Pangulo upang ikonsidera ang inilabas na Executive Order No. 23.
Sinabi ngayon ni Communications Sec. Ricky Carandang, alam nilang may aalma sa direktiba ng Pangulo pero hindi umano magbabago ang kanilang posisyon.
Ayon kay Carandang, matibay ang political will ng Pangulong Aquino at para rin ito sa kinabukasan ng bansa.
Nilinaw naman ng Palasyo na hindi total log ban ang kautusan ng Pangulo, bagkus ipinagbabawal lamang dito ang over-logging na sanhi ng mga pagbaha.
“There’s no intention to back-off. This is investment for the country’s future,” ani Carandang.
Nauna rito, nanawagan si Antonio Olizon, presidente ng Phil. Wood Producers Association, na sana ay bawiin ang direktiba ng Pangulo.
Tinukoy nito na dapat ikonsidera ni P-Noy ang kanyang desisyon sa ilang mga kadahilan.
Kabilang aniya rito ang magiging problema sa pinasukang commitment ng mga kompaniya, pangangailangan ng mga factories o serbisyo na kailangan ang kahoy, pangangailangan din ng construction sector.