Hawak na ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isa sa mga bihag ng Abu Sayyaf na miembro ng International Committee of the Red Cross (ICRC) ang Pinay na si Mary Jean Lacaba na kinidnap noon pang Enero 15.
Na-turn over ito sa Indanan, Sulu.
Sa report ni Bombo Analy Soberano, ito rin ay kinumpirma ni M/Gen. Nelson Allaga ang hepe ng Western Mindanao Command.
Ayon naman kay PNRC chairman at Sen. Richard na pinalaya si Lacaba sa pamamagitan ng emisaryo na si Sulu Rep. Yusuph Jikiri.
Ang 37-anyos na si Lacaba ay nasa Jolo na ngayon at dumating na naka-wheelchair sa trauma hospital para isailalim sa medical examination ng Joint Task Force Comet.
Sa kabila nito, hawak pa ng mga bandido ang dalawang hostages na foreign nationals na sina Eugenio Vagni ng Italy at Swiss national na si Andreas Notter.
Subalit umaasa si Sen. Gordon na mapapalaya na rin ang mga ito sa lalong madaling panahon.
"At least we have one, baka 'yong dalawa pakakawalan na rin hopefully. Nagpapasalamat ako na na-release na nila si Mary Jean at nakikiusap ako sa ating mga kasama sa militar na dahan dahan lang at kung maaari 'wag ng umaksiyon," ani Gordon.
Una rito, nagbanta ang bandidong Abu Sayyaf na pupugutan nila ang ulo ng isa sa kanilang hawak na bihag kung hindi i-aatras ng militar ang kanilang tropa malapit sa kanilang pinagkukutaan.
Ang pagkakalaya kay Lacaba ay eksaktong nasa 77 araw na ngayon mula ng sila ay mabihag.