Monday, December 20, 2010

Trillanes, laya na

Nakalabas na mula sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame si Senador AntonioTrillanes IV.

Ganap na alas 9:20 ngayong gabi ay tuluyan ng nakalaya ang nakakulong na mambabatas base na rin sa kautusan na ibinaba ni Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 Presiding Judge Oscar Pimentel.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Rey Robles, ang abogado ni Trillanes ang paglaya ng kaniyang kliyente.

Ayon kay Robles, ilalagay si Trillanes sa ilalim ng constructive custody ng Senado.

Tumuloy si Sen. Trillanes sa kanilang tahanan sa Cainta, Rizal.

Ang paglaya ni Sen. Trillanes ay kasunod na pagpapatibay noong Lunes sa plenaryo ng House of Representatives ang Presidential Proclamation No. 75 na nagbibigay amnestiya sa mga sundalong nag-aklas noon laban sa nakaraang Arroyo administration.

Sa botong 213-7, lusot na sa Kamara ang House Concurrent Resolution No. 8 na nagri-rekomenda para sa approval ng amnesty proclamation.

Makikinabang din sa proklamasyon ang mga sundalong nasangkot noon July 2003 Oakwood Mutiny, February 2006 Marine standoff at November 2007 Manila Peninsula takeover.

Matatandaang nakilala si Sen. Trillanes sa kanyang ginampanan sa hindi na matagumpay na pag-aalsa sa Oakwood noong 2003 nang hinawakan niya kasama ang 321 mga sundalo ang paupahang gusali sa Oakwood sa Lungsod ng Makati.

Naglagay sila ng mga bomba doon at binalaan ng pababagsakin ang gusali. Nasampahan sila ng kaso sa hukumang pangsundalo ng Pilipinas.

Noong halalan ng Mayo 2007 sa Pilipinas, nahalal siya bilang isang Senador sa ilalim ng partidong Genuine Opposition, at naupo sa puwesto noong Hunyo 30, 2007 habang nakadetine.

Noong Nobyembre 29, 2007, lumabas siya sa kanyang sariling paglilitis at pumunta sa Manila Peninsula sa Lungsod ng Makati at hinimok ang publiko na patalsikin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Friday, December 10, 2010

Kaso ng Morong 43, babawiin na

Pinababawi na ng Pangulong Benigno Aquino III sa Department of Justice ang kaso laban sa 43 mga health workers na inaresto ng militar matapos na mapaghinalaang miyembro ng New Peoples' Army (NPA) sa Morong, Rizal.

Kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day, binanggit ng Pangulo na ipinagkait umano sa mga nasabing detainee ang "due process" kung kaya't bilang gobyerno na kumikilala sa mga karapatang pantao, dapat lang na palayain ang mga ito.

"We recognize their right to due process was denied them. As a government committed to rule of law...this cannot stand. Therefore I have ordered the DOJ to withdraw the informations filed in court," ayon sa Pangulo.

Aminado naman ang presidente na nakataya pa rin sa korte ang desisyon kung mapapalaya ang tinaguriang "Morong 43."

"The medical workers were arrested in the waning days of the Arroyo administration on the suspicion that they were aiding NPA insurgents. These are valid concerns. Nevertheless, we recognize that their right to due process was denied them," ani Aquino.

Sa panig ng Armed Forces of the Philippinesd (AFP), nakahanda naman umanong tumalima ang militar sa pinakahuling direktiba ng kanilang commander-in-chief.

Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Jose Mabanta, susunod umano ang sandatahang lakas sa nasabing kautusan ng Pangulong Benigno Aquino.

"Sa amin po, ay depende po sa korte iyon. After nahuli po namin ang mga ito, dinala namin sa korte, nakakulong ngayon. Depende po sa mga authorities kung ano ang gusto nilang gawin. But we feel, the armed forces, we have done our best, at kung sakaling magkaroon man ng pagpapalaya sa kanila, it is beyond us, and we will follow, we will abide by whatever decision is made," pagtitiyak ng heneral.